BAKBAKAN
Sr. Bookkeeper na si YAYA!
Kwento ni Ganda. Pakinggan mo mona
Maganda lang ako. Pero mahirap ang buhay. Reality eh.
Sa kabila ng morena kong balat may kaputian pa rin at liwanag ang
life ko po no. Papatunayan ko yan sa pang-mmk ko pong kwento.
Dear Ma’am Charo,
Ako po si Zel. Hindi po ako pinanganak na mayaman. Probinsyana
lang po ako doon sa lugar na puno ng bakbakan. Doon po sa Sultan Kudarat ang
aking probinsya. Isang araw po kinuha ako ng kabaryo namin na sinuwerteng
makapag asawa ng mayaman. Labing pitong taong gulang lamang po ako noon. Sa
kabila po ng takot at pangamba dahil mahihiwalay po ako sa aking mga magulang
linakasan ko po ang aking loob. Hayun sinama po ako ng magiging amo ko sa
probinsya ng Pampanga. Nagsilbi po ako sa kanila. Naging yaya po ako ng babae
nilang anak.
Bilang bata pa po ako noon, habang hinahatid sa eskwela ang aking
alaga minsan naiinggit po ako at naiisip ko sana makapag aral din po ako ng
kolehiyo at magkaroon ng diploma na maibibigay ko sa aking mga magulang.
Tila naman po dininig ng panginoon ang taimtim kong kahilingan dahil isang araw
tinanong po ako ng aking napakabait na amo kung gusto ko ba daw pong mag-aral?
Syempre po tuwang-tuwa po ako.
Ginabayan po ako ng mag-asawa kong amo at sila na din po ang
namili ng kursong kukunin ko. Sa una po kumuha ako ng kursong Marketing
Management pero graduating na lamang po ako noon nung kinailangan naming
lumipat. Pero pinagpatuloy ko po yung pag-aaral ko sa malapit na kolehiyo sa
bago naming tirahan pero yun lamang po bago na naman ang kurso ko dahil na rin
po sa kahilingan ng lalaki naming amo para daw po kapag naka graduate ko pwede
akong magtrabaho sa kumpanya nya bilang accounting assistant.
Mahirap po talaga dahil kasabay ng pag-aaral ko ay pagtatrabaho ko
pag-uwi ngunit kinaya ko naman po at laking pasasalamat ko na pinayagan nila
akong makapag-aral. Ito pong pangalawa kong kurso ay talaga naman pong nagbigay
ng matinding challenge sa akin kasi nangangailangan ito ng matinding
analisasyon.
Kumuha po ako ng kursong BS in Accountancy. Malaking challenge po
sa akin ang kursong ito. Halos maiyak iyak na lamang po ako sa sobrang hirap.
Sa tuwing exam po dumudugo ang utak at sa tuwing board work lumalabas ata ang
puso ko sa kaba. Syempre po hindi naman po ako ganun katalino no pero bilib ako
sa beauty ko kinakaya ko talaga. Kahit bas a totoo lang po kinakabahan ako
tuwing magtatapos ang semester at baka hindi naman ako pumasa. Juicecolored
nakakamatay talaga ang accounting.
Hindi po talaga naging madali ang lahat syempre aral at trabaho
ako tapos yun nga po super nakakaloka pa ang kurso ko jusku. Tapos dagdag pa po
ditto nangungulila din ako sa pamilya syempre pero nagsisilbi ko na lang po
silang lakas para magpursige. Hay tama na po ang drama..Ok fast forward na po
tayo..
Nais kong ipaalam sa inyo matapos po ulit ang apat na taon kahit
medyo late na sa edad ko na 25 noon year 2016 nakapagtapos po ako ng kolehiyo
sa kursong BSBA Major in Financial and Management Ccounting na nagpadugo po ng
bongga sa ilong ko at proud po ako dahil degree holder na ang isang yaya na
katulad ko.
Nakaya ko po. Hindi lang po pala ako maganda. Magaling din ako.
Hwag na po sanang kumontra ang mga kaibigan ko sa pagbubuhat ko ng sarili kong
bangko. Salamat po sa mga kaibigan ko sumuporta po sa akin at na nagpakopya po
ng assignment sa akin. Na nagpangiti po sa akin sa kabila ng hirap. At sa mga
amo ko na pinayagan akong makapag-aral.
Nakakalungkot po dahil nung mismong graduation ko wala po ang
pamilya ko dahil na din po sa layo nitong Pampanga sa Mindanao kaya naman po
ang lapatid lamang ng amo kong lalaki ang umakyat sa stage para sa akin at
napakalaking thank you po. Yun nga po pag kagraduate ko pinasok po ako ng amo
ko sa kanyang kumpang bilang jr. accounting assistant.
Naging masaya po ako sa trabaho ko ngayon, andamin ko pong
natutunan at mas lalo ko pang naintindihan ang accounting na hirap na hirap
akong ipasa dati ay napakadali lamang pala kapag i-apply na sa totoong buhay
aha. Hanggang naka-meet po ako ng mga mababait na katrabaho at naging kaibigan
ko na din sila. Kahit po nakapagtapos na ako patuloy pa rin po akong nanilbihan
sa amo ko at doon pa rin po ako umuuwi pagkatapos ng trabaho para bantayan pa
rin ang mga nagsilakian ko ng mga alaga.
Napakaswerte ko po dahil year 2018 napromote po ako! Ngayon po isa
na akong Sr. Bookkeeper sa isa sa kilala at malaking kumpanya sa Pinas.
At ito pa po nakilala ko din sa kompanya ko ngayon ang lalaking
nagpatibok ng puso ko at sa kasalukuyan engaged na po kami. Ang haba ng hair ko
po di ba? Sa totoo lang po proud po talaga ako sa sarili ko. Kahit sobrang
hirap nakaya ko.
Sino po bang mag-aakala na ang isang yaya na tulad ko ay magiging
Sr. Bookkeeper? Sana po maging inspirasyon ang kwento kong ito para patuloy na
mangarap lalo na ang mga kasambahay na tulad ko. Salamat po.
Ang inyong pong lingkod,
Zel Ganda
P.S Ako po to si writer, proud na kaibigan ni ate Zel at kaklase
nong college na katulad nya naghirap din po sa accounting. Kung makikita
man po nya ito lagot po ata ako sa kanya aha. Gusto ko lang po kasing
ibahagi ang nakaka-inspire na kwento ng aking kaibigan. Sana po maka-inspire
din po ito ng ibang tao para patuloy na mangarap pa ng mas mataas.
I am so proud of you kapatid!
Comments
Post a Comment